INDIANAPOLIS -- Sinabi ni Pacers coach Frank Vogel na maganda na ang pakiramdam ni Paul George matapos ma-diagnose na nagkaroon ng concussion o pag-alog ng utak.
Hindi pa sigurado kung handa na siyang lumaro sa Sabado sa Miami sa pagbabalik aksiyon ng Eastern Conference finals kung saan tabla ang serye sa 1-1.
Ang two-time All-Star ay nakasuot ng pulang jersey at nilimitahan sa non-contact drills sa practice noong Huwebes matapos mauntog kay Dwyane Wade ng Miami sa kalagitnaan ng fourth quarter sa Game 2 na pinagwagian ng Heat, 87-83.
Pagkatapos ng game, sinabi ni George sa mga reporters na nag-blackout siya at lumabo ang kanyang paningin nang tamaan siya sa likod ng kanyang ulo ng tuhod ni Wade na hindi nalaman ng mga team doctors nang bumalik si George sa court.
Base sa mga examination nitong Miyerkules, sinabi ng mga team doctors na kailangang sumailalim si George sa concussion protocol ng liga.
“There is a minimal contact requirement that he’s got to do and be tested afterward,’’ sabi ni Vogel patungkol sa NBA rules na may kinalaman sa medical clearance.
Nag-shooting ng kaunti si George nitong Huwebes at nag-dunk bago umalis ng court.
Sinabi ni Vogel na light work out lang si George at hindi nila alam kung makakalaro ito sa Game 3.