MANILA, Philippines - Isang Fil-American gymnast na dating kasapi ng prestihiyosong World Olympic Gymnastics Academy (WOGA) ang nagpamalas ng kanyang angking husay sa women’s artistic gymnastics nang kumuha ito ng apat na ginto sa 2014 Philippine National Games (PNG) gymnastics competition kahapon sa PSC Gymnastics Center sa Rizal Memorial Sports Complex.
Si Elizabeth ‘Lizzy’ LeDuc, edad 17 at ang ina na si Connie ay tubong Angeles City, ay nanalo sa floor exercise (13.20), uneven bars (12.15), beam (12.80) tungo sa pagiging individual overall champion (51.35)
Sa tindi ng ipinakitang routine ni LeDuc ay iniwan niya ang mga karibal na local gymnast para palakasin ang pagnanais na maging kasapi ng pambansang koponan.
Si Sofia Gonzales ng Muntinlupa ay nanalo ng dalawang pilak sa uneven bars at beam sa 8.60 at 10.95 puntos habang si Cristina Onofre ng Manila ang pumangalawa kay LeDuc sa floor sa 12.60 puntos.
Si Regine Reynoso ng Pasig City ang kumuha ng pilak sa individual all-around sa 44.55 puntos habang si Onofre ang nanalo ng bronze sa 44.05 puntos.
Ito ang unang pagtapak sa Pilipinas ni LeDuc at puwede siyang masama sa pambansang koponan dahil noong Marso ay nakuha niya ang kanyang dual citizenship.
Si LeDuc na kasapi ngayon ng Metroplex Gymnastics, ay isa sa mga Fil-Ams na inaasahang kikinang sa kompetisyong katatampukan ng 52 sports at magtatagal hanggang sa susunod na Linggo (Mayo 25).
Ang iba pang inaasa-hang hahataw ay ang mga nagpatala sa athletics na magbubukas ngayon sa bagong gawang track oval sa Philsports Arena sa Pasig City.
Sina 2013 Myanmar SEA Games veterans Eric Cray at Tyler Ruiz ay sasamahan nina Princess Joy Griffey at Donovant Grant Ariola na palaban sa ginto sa kanilang events.
Patok sa 400m hurdles nang kunin ang ginto sa Myanmar SEAG, si Cray ay magtatangka rin na basagin ang 10.45 segundo na national record sa 100-meter run sa kalalakihan na hawak ni Ralph Waldy Soquilon noong 2007.
Opisyal na binuksan kahapon ang kompetisyong inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) katuwang ang Philippine Olympic Committee (POC) at National Sports Associations (NSAs).
Sina PSC chairman Ricardo Garcia at POC president Jose Cojuangco Jr. ang nanguna sa seremonya na ginawa sa Ninoy Aquino Stadium at hinimok nila ang mga kasali na gamitin ang PNG para maging daan upang maipakita ang angking husay lalo na sa mga atleta na hindi kasama sa national pool. (AT)