SANTA CRUZ, Laguna, Philippines – Tinapos ng National Capital Region ang kanilang pamamayagpag sa 57th Pala-rong Pambansa dito sa Laguna Sports Complex bitbit ang kabuuang 107 gold, 64 silver at 56 bronze medals.
Ang huling tatlong gintong medalyang inangkin ng NCR ay sa secondary girls’ basketball, secondary boys’ baseball at sa secondary boys’ volleyball.
Giniba ng NCR ang Central Luzon (Region III) sa secondary girls’ basketball, 77-54; tinalo ang MIMAROPA (Region IV-B) sa secondary boys’ baseball, 4-0; at iginupo ang CALABARZON (Region IV-A) sa secon-dary boys’ volleyball, 20-25, 25-23, 27-25, 24-26, 15-12.
Sumikwat naman ng tatlong ginto ang CALABARZON (Region IV-A) sa secondary boys’ basketball matapos daigin ang NCR, 86-80; payukurin ang CAVRAA (Region II) sa elementary boys’ basketball, 77-73; at gitlain ang NAMRAA (Region X) sa elementary boys’ baseball, 4-0.
Sa iba pang ballgames, pinahiya ng MIMAROPA (Region IV-B) ang NCR sa secondary football, 2-0; pinasadsad ng Western Visayas (Region VI) ang NCR sa secondary girls’ softball, 2-0; iginupo ng Central Visayas (Region VII) ang CALABARZON (Region IV-A) sa elementary boys’ football, 3-1; at tinalo ng Western Visayas (Region VI) ang Davao (Region XI) sa secondary girls’ volleyball, 25-18, 25-12, 25-23.
Pumangalawa sa overall medal tally ang Region IV-A (38-51-51) kasunod ang Region VI (32-33-38), Region VII (24-27-41), CARAA (24-11-12), Region X (21-21-31), Region XII (15-17-30), Region XI (10-20-21), Region V (9-6-22), Region I (8-9-14), CARAGA (5-8-9), Region II (4-13-11), Region VIII (4-8-8), Region IV-B (4-5-11), ARMMA (1-1-4) at Region IX (0-5-10).
Umagaw ng eksena sa 2014 edition ng Palarong Pambansa sina sprinter Jomar Udtohan at swimmer Maurice Sacho Illustre ng NCR at archer Mary Queen Ybanez ng Ilocos Region.
Nagtakbo ang 17-anyos na si Udtohan, nagtapos ng high school sa San Sebastian, ng limang gintong medalya sa limang events na kanyang sinalihan na tinampukan ng mga bagong Palarong Pambansa record sa secondary boys’ 100m, 200m, 400m, 4x100m relay at 4x400m relay.
Hinirang naman si Illuster bilang atletang may pinakamaraming gold medal na nakamit.
Pitong gold medals ang inangkin ni Illustre mula sa secondary boys’ 200m, 400m at 800m freestyle, 100m at 200m butterfly, 400m medley at sa 400m relay events.
Anim na gintong medalya naman ang tinudla ni Ybanez sa 30m, 40m, 50m, 60m, single Fita at individual Olympic round.