Humataw ang Arriba Amor

MANILA, Philippines - Napangatawanan ng Arriba Amor ang pagiging paboritong kabayo ngunit nabigo ang Tensile Strength na nangyari sa pagpapatuloy ng pista sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite noong Linggo.

Ibinulsa ng Arriba Amor ang ikalawang sunod na panalo nang mahusay itong ginabayan ng regular na hinete na si Fernando Raquel Jr. sa class division 3 na pinag-labanan sa 1,300-metro distansya.

Umuna agad ang Arriba Amor sa pagbukas ng aparato pero agad na dumikit ang kabayong Dream Of All ni AR Villegas.

Hindi na nagbago ang puwesto ng dalawang kabayo dahil hindi pinahintulutan ni Raquel na manlamig ang limang taong filly na pag-aari at sinasanay ni Hermie Esguerra.
Sa huling 50-metro ay ginamitan pa ni Raquel ng latigo ang kabayo para maisantabi ang pagremate ng Dream Of All na kinapos ng kalahating
kabayo sa meta.

Balik-taya (P5.00) ang naipagkaloob ng Arriba Amor na anak ng Quaker Ridge sa Arriba Queen, sa win habang ang nadehadong Dream Of All ay nakatulong para magkaroon ng P41.00 ang ipi-namahagi sa 5-4 forecast.

Paborito rin ang Tensile Strength sa sinalihang special class division 3 race sa 1,300-metro pero wala sa kondisyon ang kabayong sakay ni Mark Alvarez at tumapos lamang sa ikatlong puwesto.

Ang anim na taong kabayo na Lord Of War na kapatid sa ama ng Arriba Amor dahil anak ito ng Quaker Ridge sa inahing Near Miss, ang siyang kumuha sa panalo gamit ang malakas na pagremate.

Umalagwa agad ang Tensile Strength  pero sumabay agad ang Don Albertini ni Jonathan Hernandez. Sa likod ay nakuha na ng Don Albertini ang liderato pero hindi bumibitiw ang napaborang kabayo na
leg winner ng Philracom Imported/Local Challenge.

Dahil sa malakas ang ayre ng Don Albertini ay napagod ang Tensile Strength pero nakahabol ang Lord Of War na nanggaling sa pangatlong puwesto halos walong dipa ang layo.

 

Show comments