Ateneo Lady Eagles kailangang bumawi

MANILA, Philippines - Kailangang manumbalik agad ang tikas sa pagla-laro ng Ateneo Lady Eagles sa pagharap sa mainit na UST Lady Tigresses sa pagpapatuloy ng Shakey’s V-League Season 11 First Conference quarterfinals ngayon sa The Arena sa San Juan City.

Ang laro ay magsisimula dakong alas-4 ng hapon kasunod ng unang bakbakan sa ganap na ika-2 ng hapon sa hanay ng St. Benilde Lady Blazers at FEU Lady Tamaraws.

Parehong may 0-1 karta ang Lady Blazers at Lady Tamaraws sa Group I kaya’t ang mananalo ay mananatiling buhay ang laban para sa Final Four habang malalagay sa hukay ang isang paa ng matatalo.

Dahil sa ‘di inaasahang pagkatalo sa baguhang Davao Lady Agilas noong Huwebes sa larong umabot ng five sets, ang UAAP champion Lady Eagles ay nalalagay sa alanganin ang kampanya sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.

Nalagay ang Ateneo sa 1-1 karta, ang unang panalo ay galing sa tagumpay na naiposte sa Adamson Lady Falcons sa Group elimination, para makasalo ang pahingang Lady Agilas.

Huling laro ng Davao ay  kontra sa Adamson at kung manalo ito at matalo ang Ateneo sa UST, tuluyang mapapatalsik ang Lady Eagles sa kompetisyong may ayuda pa ng Accel, Mikasa at Lion Tiger Mosquito Coil.

Si Alyssa Valdez na pumapangalawa sa scoring sa liga sa 91 kabuuang puntos, tampok ang 80 kills, ay makiki-pagtulungan kina Michelle Morente at Amy Ahomiro.

May apat na sunod na panalo ang UST na papasok sa larong ito at tiyak na gagawin nila ang lahat ng makakaya para lumawig ang streak at ihakbang ang isang paa papasok sa semifinals ng liga.

 

Show comments