MANILA, Philippines - Mag-uunahan ang nagdedepensang kampeong National University Lady Bulldogs at Arellano Lady Chiefs sa paglapit sa puwesto sa semifinals sa pagbubukas ngayon ng Shakey’s V-League Season 11 First Conference quarterfinals sa TheArena sa San Juan City.
May 1-0 karta ang Arellano at NU dahil tinalo nila ang mga kagrupo sa Group 2 na St. Benilde at FEU sa elimination round kaya’t ang mananalo sa larong magsisimula sa ganap na ika-2 ng hapon ang maglalapit sa kanila sa semis.
Magbabalik na si 6’4’ Jaja Santiago sa NU matapos lumiban nang masama sa koponan na naglaro sa Asian Women’s Club Volleyball Championship na ginawa sa Thailand kamakailan upang makumpleto uli ang naglalakihang spikers ng koponan.
Ngunit hindi pahuhuli ang Lady Chiefs na sasandal sa husay nina Danna Henson at Menchie Tubiera para mamuro sa tangkang pagpasok sa Final Four sa ligang inor-ganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.
Magsusukatan sa ikalawang laro dakong alas-4 ng hapon ang Ateneo Lady Eagles at Davao Lady Agilas.
May 1-0 karta ang Ateneo dahil tinalo nila ang Adamson sa unang yugto ng kompetisyon na suportado pa ng Mikasa, Accel at Lion Tiger Mosquito Coil.
Pero hindi malayong mapalaban ang Lady Eagles dahil ibang level din ang ipinakikitang laro ng bisitang Lady Agilas na tinapos ang elimination round bitbit ang 4-1 karta.
Ngunit sa round na ito ay may 0-1 baraha sila dahil natalo sila sa UST.
Pihadong sasandal uli ang Davao sa husay nina May Agton, Venus Flores at Jocemar Tapic upang matapatan ang malakas na paglalaro ng Ateneo sa pamumuno ng UAAP MVP Alyssa Valdez. (AT)