MANILA, Philippines - Ang malaking 2-0 bentahe sa kanilang best-of-five semifinals series ang hangad ng Air21, habang pipilitin naman ng San Mig Coffee na makatabla.
Nagmula sa panalo sa kanilang series opener noong Martes, sasagupain ng Express ang Mixers sa mahalagang Game Two ngayong alas-8 ng gabi para sa 2014 PBA Commissioner’s Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Tinalo ng Air21 ang San Mig Coffee, 103-100, sa Game One tampok ang game-high na 29 points ni Sean Anthony kasunod ang 25 ni import Wesley Witherspoon at 14 markers ng 40-anyos na si Asi Taulava.
“We’re here just to seize the moment being an invited guest. Our concern is just to play what we’re capable of playing, and we’re okay,†sabi ni head coach Franz Pumaren sa pamamayagpag ng Express.
Ang Air21, nasa isang three-game winning streak ngayon kasama ang dalawang beses na panalo sa pinatalsik na No. 2 team na San Miguel Beer sa quarterfinals, ay nasa kanilang kauna-unahang semis appearance.
Muli namang aasa si Mixers mentor Tim Cone kina import James Mays, two-time PBA Most Valua-ble Player James Yap, Marc Pingris, PJ Simon, Mark Barroca at Joe Devance.