OAKLAND, Calif. -- Nagsagawa ang Los Angeles Clippers ng silent protest laban kay team owner Donald Sterling bago ang Game 4 ng kanilang Western Conference playoff series ng Golden State.
Nagpakita naman ang Warriors ng kanilang sa-riling pagpaparamdam.
Tumipa si Stephen Curry ng career playoff-high na pitong 3-pointers at tumapos na may 33 points para pangunahan ang Warriors kontra sa Clippers, 118-97 at itabla sa 2-2 ang kanilang first-round series.
“We wanted to come out and focus on all the work we’ve put in over the summer, throughout the course of the season to get ready for this moment in the playoffs and just have fun and enjoy it - not let one person ruin it for everybody,’’ sabi ni Curry.
Isang audio recording ang ipinoste sa online ng TMZ kung saan nagkomento si Sterling na iginiit niya sa isang babae na huwag magdala ng ‘black people’ sa mga laro ng kanyang koponan.
Ang nasabing komento, iniimbestigahan nga-yon ng NBA, ay umani ng reaksyon.
Gumawa ang Clippers players ng silent protest laban kay Sterling sa pamamagitan ng paghuhubad ng kanilang warm-up jerseys at isinuot ang kanilang red shirts sa pregame routine.
Nagsuot din sila ng black bands at black socks bilang pagpapakita ng kanilang pagkakaisa laban kay Sterling.
Sa Portland. Oregon, humakot si LaMarcus Aldridge ng 29 points at 10 rebounds para itakas ang 123-120 overtime victory ng Portland Trail Blazers kontra sa Houston Rockets at angkinin ang malaking 3-1 abante sa kanilang first-round series.
Hindi pa nakakapasok ang Portland sa second round ng postseason sapul noong 2000.
Ang three-point shot ni Mo Williams ang nagbigay sa Blazers ng 105-104 abante sa natitirang 18.9 segundo kasunod ang split ni Dorell Wright para sa kanilang 106-104 bentahe sa huling 8.3 segundo.
Ang dunk ni Howard mula sa pasa ni Harden sa nalalabing 3.6 segundo ang nagtabla sa Rockets sa 106-106 patungo sa overtime.
Sa Washington, kumamada si Trevor Ariza ng career playoff-high 30 points para tulungan ang Washington sa 98-89 panalo kontra sa Chicago Bulls at sikwatin ang 3-1 kalamangan sa kanilang serye.
Mula nang buksan ng Washington ang laro sa pamamagitan ng 14-0 ay hindi na nila nilingon ang Chicago.
Sa New York, gumawa si DeMar DeRozan ng 24 points at may 22 si Kyle Lowry para sa 87-79 panalo ng Toronto Raptors at itabla sa 2-2 ang kanilang serye ng Broolyn Nets.
Nagdagdag si Amir Johnson ng 17 points para sa Raptors. Umiskor naman si Paul Pierce ng 22 points sa panig ng Nets.