Broner handang labanan si Pacquiao sa 140 pounds

MANILA, Philippines - Ilista na ang pangalan ni American Adrien Bro­­ner para sa posibleng ma­kalaban ni Manny Pacquiao.

Sinabi ni Broner na han­­da siyang sagupain si Pacquiao sa anumang weight division na gustu­hin ng Filipino world eight-division champion.

“I’d fight him (Pacquiao) at any weight,” sa­bi ni Broner, isang occasional rapper, sa panayam ng Boxingscene.com.

Nauna nang ipinaramdam ni Pacquiao na plano niyang bumaba ng weight class sa 140 pounds.

Sapul noong 2009 ay hindi pa nakakapagpa­bagsak ng kalaban si Pacquiao.

Bitbit naman ni Bro­ner, nagwagi ng mga world titles sa super fea­ther­weight, lightweight at welterweight class, ang re­cord na 27 wins at 1 loss.

Ang 24-anyos na tubong Cincinnati, matalik na kaibigan ni Floyd May­weather Jr., ay nagda­dala ng 22 knockout victories kung saan ang siyam dito ay sa loob lamang ng three rounds.

Natikman ni Broner ang kanyang unang kabi­gu­an kay Marcos Mai­dana noong Disyembre.

Subalit imbes na gamitin ang rematch clause ay binigyan niya si Maidana ng pagkakataong sagupa­in si Mayweather sa dara­ting na Mayo 3.

Sa undercard ng natu­rang laban ay makakabangga ni Broner si Carlos Molina.

At sakaling talunin ni­ya si Molina ay plano na­man niyang hamunin si Pac­quiao.

Halos anim na taon nang lumalaban si Pacquiao bilang welterweight at iniisip nang bumaba ng timbang sa kanyang susunod na laban.

“If I could make 115 to fight Pacquiao I will do it,” wika ni Broner.

 

Show comments