Pinoy cyclist ‘di uurong sa mga kalaban sa Le Tour

MANILA, Philippines - Bagama’t bumaba sa 10 ang mga local riders na sasabak sa darating na 2014 Le Tour de Filipinas ay tiyak namang hindi uurong ang mga ito sa hamon ng mga foreign cyclists.

Ang “Magic 10” mula sa continental team na 7-Eleven Road Bike Philippines at Philippine Navy-Standard Insurance ay makikipagsabayan sa naturang four-stage race na magsisimula sa Abril 21 mula sa Clark sa Pampanga at magwawakas sa Baguio City sa Abril 24 at inihahandog ng Air21 at inoorganisa ng UBE media.

Paparada sa dalawang koponan ang dalawang dating two-time Philippine Tour champions at isang ex-Padyak Pinoy titlist.

Si Mark Galedo ay papadyak para sa 7-Eleven Road Bike at kakampan-ya sa Philippine Navy Standard Insurance sina Santy Barnachea at Joel Calderon.

Babandera din para sa 7-Eleven Road Bike si 2012 Le Tour de Filipinas winner Jonifer “Baler” Ravina na determinadong muling maghari sa karerang isinama sa International Cycling Union Asian Tour calendar.

Ang kukumpleto sa 7-Eleven Road Bike crew ay sina veterans Cris Joven, Marcelo Felipe at Mark Julius Bordeos. Babandera naman sa Philippine Navy-Standard Insurance team sina Lloyd Lucien Reynante, Jorge Oconer at John Renee Mier.

Suportado ng Smart, NLEX, SCTEX, TPLEX, BCDA, Petron and Victory Liner, ang 2014 Le Tour de Filipinas ay bubuksan sa pamamagitan ng isang 160-kilometer Clark to Olongapo City Stage One kasunod ang 170-km Stage Two mula sa Olongapo City hanggang sa Cabanatuan City sa Abril 22.

Sa Abril 23 ay papadyak ang mga siklista sa isang 146.6-km Stage Three sa Bayombong, Nueva Viscaya kasunod ang roller-coaster 134-km Stage Four sa Burnham Park sa Baguio City sa Abril 24.

 

Show comments