Guiao pinasalubungan ng Rain Or Shine nakaligtas sa Air21

MANILA, Philippines - Nakabalik sa kanilang porma ang Rain or Shine sa huling minuto ng laro para talunin ang Air21, 87-82, sa pagbabalik sa bench ni head coach Yeng Guiao sa 2014 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Muntik nang masayang ang itinayong 13-point lead ng Elasto Painters sa kaagahan ng fourth quarter bago nakalayo sa Express para sa kanilang pang-apat na panalo.

“This is a big win for us. We’re trying to get ourselves out from seventh or eight place,” sabi ni Guiao, nanggaling sa isang two-week business trip.

Mula sa 73-60 abante ng Rain or Shine sa 8:23 ng fourth period ay nakadikit ang Air21 sa 80-82 agwat sa tulong nina import Wesley Witherspoon at Eloy Poligrates sa huling 24.9 segundo.

Sinelyuhan naman nina Paul Lee at Gabe Norwood ang panalo ng Rain or Shine mula sa kanilang limang free throws.

Kasalukuyan pang naglalaro ang San Mig Coffee at ang Meralco habang isinusulat ito kung saan hangad ng Mixers na makatabla sa nagdedepensang Alaska Aces sa ikatlong puwesto.

Samantala, hinugot ng Barangay Ginebra si one-time PBA Best Import Gabe Freeman bilang kapalit ni Josh Powell.

Sinabi ng Gin Kings na nagpaalam sa kanila si Powell, nakasama sa champion team ng Los Angeles Lakers, matapos makatanggap ng tawag mula sa Houston Rockets.

Inaasahang makikita sa aksyon si Freeman, dara-ting bukas, para sa laban ng Ginebra sa Rain or Shine sa Linggo sa huling araw ng eliminasyon. Maliban kay Freeman, inasinta rin ng Gin Kings sina dating import Dior Lowhorn, dating Memphis Grizzlies forward Andre Emmett at Arkansas player Charles Thomas.

Show comments