Power Pinoys hataw agad: Pinasiklaban ang Mongolia

MANILA, Philippines - Maliban sa pagkawala ng malaking kalamangan sa second set, walang naging problema ang PLDT Home TVolution Power Pinoys sa Mongolia para kunin ang makasaysayang unang panalo sa Asian Men’s Club Volleyball Championship, 25-13, 25-23, 25-16, kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Nagpakilala ang 21-anyos na si Alnakran Abdilla nang ibagsak sa 11 sa 12 puntos mula sa matitinding spikes para katampukan ang panalo na naglapit sa  Power Pinoys patungong quarterfinals ng ligang suportado ng PLDT Home FIBR at may basbas ng Asian Volleyball Confederation (AVC).

Sa 1-0 karta sa Group A, ang Pilipinas ay papasok sa knockout round kung tatalunin nila ang Iraq sa Huwebes o matalo ang Mongolia sa Iraq sa Sabado.

“Kahit noong nagte-training kami sa Korea ay hinangaan na ng mga Koreans si Abdilla. Ang mga blockers doon ay mga 6’6” ang taas pero pumapasok pa rin ang mga spikes niya,” wika ni Power Pinoys coach Francis Vicente patungkol sa manlalaro ng La Salle Dasmariñas.

“Masaya dahil first time ako na naglaro sa international competition at nanalo kami,” tugon ni Abdilla.

Si Australian open spiker Cedric Legrand ang nanguna sa koponan sa kanyang 18 puntos mula sa 13 kills, 3 blocks at 2 service aces habang ang UAAP MVP na si Peter Torres ay may limang puntos na si-nangkapan ng tig-isang block at ace.

Ang pinagsamang 24 kills nina Legrand at Abdilla ang kabuuang spikes na ginawa sa Mongolians para makita ang dominasyon ng mga Pinoy sa net game. (AT)

Show comments