MANILA, Philippines - Hinirang na mga bagong kampeon sa kani-kanilang event sa Skills Challenge sina 5-foot-6 Justin Melton at Mark Barroca ng San Mig Coffee, Rey Guevarra ng Meralco at Mark Macapagal ng Globalport sa 2014 PBA All-Star Weekend kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nagsalo sa titulo sina Melton at 6’2 Guevarra sa Slam Dunk Competition para agawin ang korona kay Chris Ellis ng Barangay Ginebra.
Parehong tumanggap sina Melton at Guevarra ng 79 points papasok sa final round.
Winakasan naman ni Barroca ang apat na sunod na taon na paghahari ni Jonas Villanueva ng Air21 matapos manguna ang Obstacle Course.
Nagharap sa finals sina Barroca, Villanueva at JVee Casio ng Alaska matapos manguna sa elimination round.
Sa finals ay nagsumite si Barroca ng bilis na 29.8 segundo para unahan sina Villanueva (34.9) at Casio (54.5) at kunin ang Obstacle Course crown.
Nagkampeon sa Three-Point Shootout si Macapagal nang tumipa ng 24 points sa finals kumpara sa 22 points ng dating kampeong si Chris Tiu ng Rain or Shine.
Samantala, maghaharap bukas ng alas-5 ng hapon ang Gilas Pilipinas ni head coach Chot Reyes at ang PBA All-Star ni mentor Tim Cone ng San Mig Coffee sa Mall of Asia Arena.
Ipaparada ng Gilas Pilipinas si 6’11 natura-lized center Marcus Douthit laban sa PBA All-Stars.