Olivarez Cup pang-tune up ng Davis Cuppers
MANILA, Philippines - Magsisilbing magandang tune-up para sa mga kasapi ng Philippine Davis Cup team ang gaganaping 2014 Olivarez Cup-Philippine Futures na sisimulan ngayong umaga sa Rizal Memorial Tennis Center.
Ang number one player ng bansa na si Fil-Am Ruben Gonzales kasama sina Johnny Arcilla at PJ Tierro ay maglalaro sa ITF men’s circuit na sinahugan ng $15,000.00 premyo ni Philta president at Parañaque City Mayor Edwin Olivarez.
Tanging si Treat Huey lamang ang hindi makakasali sa Futures na magbubukas ngayon dahil may nilalaruan pang kompetisyon sa labas ng bansa.
“We expect our Davis Cuppers to be in good shape because they will be playing in the Olivarez Cup,†pahayag ni Philta vice president Randy Villanueva matapos ang pagbisita sa PSA Forum sa Shakey’s Malate kasama ni Olivarez at Gonzales.
Ang Davis Cup ay gagawin mula Abril 4 hanggang 6 sa PCA Indoor Courts.
Mga mabibigat na dayuhang manlalaro ang kasali sa Olivarez Cup dahil ang ibang Davis Cuppers ng bansang Thailand, Indonesia, Australia at Japan ay kasama sa man main draw sa singles.
Sina Arcilla at Tierro ay kasama sa apat na wild card players ng bansa na kinabibilangan din nina Elbert Anasta at Fil-Italian Marc Reyes.
Lalaro rin sina Jeson Patrombon, Jurence Zosimo Mendoza at Calvin Charles Canlas bilang mga qualifiers.
Sa doubles lamang lalaro si Gonzales at malaki ang posibilidad na lumaban ito sa titulo dahil katambal niya ang mahusay na doubles player ng Thailand na si Sonchat Ratiwatana. (AT)
- Latest