Meneses sa legends game

Sa ikalawang pagkakataon mula nang kanyang tapusin ang kanyang playing career noong 2006, muling maglala-ro sa harap ng publiko si one-time PBA MVP awardee Vergel Meneses sa darating na 2014 PBA All-Star Week.

Lalaro si Meneses para sa Team Greats laban sa Team Stalwarts sa ikatlong edisyon ng PBA Legends Game.

Kasama ni Meneses sa Team Greats sina Atoy Co, Freddie Abuda, Franz Pumaren, Johnedel Cardel, Rey Guevarra, Terrence Romeo, Jvee Casio, Willie Miller, Cliff Hodge at Jonas Villanueva. Haharapin nila ang Team Stalwarts na binubuo nina Bogs Adornado, Dickie Bachmann, Noli Locsin, Jeffrey Cariaso, Richard del Rosario, Justin Melton, Ronjay Buenafe, Chris Tiu, Sol Mercado, Mark Cardona at John Wilson.

Huling sumabak sa laro sa harap ng PBA fans si Meneses noong 2005 sa selebrasyon ng 30th anniversary ng liga. Ginanap noon ang Classic Greatest Game na kinapapalooban ng 25 PBA greatest players. Matatandaang tumikada si Allan Caidic ng 30 points upang pangunahan ang Baby Dalupan-coached Legends Team sa 96-92 panalo kontra sa koponan nila Robert Jaworski at Ramon Fernandez.

“Medyo alanganin nga ako, actually, dahil ilang taon na akong hindi naglalaro at ilang taon na rin na walang weights,” ani Meneses.

“Tapos may kasama kaming mga bata. Eh, baka ata-kihin kami sa puso kahahabol sa mga ‘yan,” dagdag pa ni Meneses, sabay ngiti. “Of course, masaya naman na makasali sa event na ito.”

Ang grupo nila Caidic, Johnny Abarrientos, Alvin Patrimonio, Olsen Racela, Jojo Lastimosa at Leo Isaac ang mga napasali sa unang edisyon ng Legends Game. Sumunod ang grupong pinangunahan nila Kenneth Duremdes at Noli Locsin.

“Mas maganda siguro kung puro legends para naman pare-pareho lang ang kondisyon,” ani Meneses.

Hindi ko rin alam kung bakit ayaw subukan ng PBA ang all-legends game.

Di naman siguro ito lalangawin. Ikonsidera na lang natin ang walang humpay na imbitasyon na nakukuha ng mga PBA legends na maglaro hindi lang sa kung saan-saang parte ng bansa kung hindi sa kung saan-saang parte ng mundo.

Sa kasalukuyan, umiikot sa Canada ang grupo nina Benjie Paras, Marlou Aquino, Noli Locsin, Vince Hizon, Bal David, Rodney Santos at Kenneth Duremdes.

Nag-tour na rin ang mga ito sa US, London, Australia, Middle East, patunay ng kanilang malakas na hatak.

 

Show comments