MANILA, Philippines - Kinuha ng Tan Goal ang ikalawang malaking panalo sa karera sa taong ito matapos ang come-from-behind na panalo sa Philracom 3YO Local Colts race noong Linggo sa MetroTurf sa Malvar, Batangas.
Sakto lamang nang binitiwan ni Alcasid ang tatlong taon na kabayo na may lahing Yes Boss at Moab upang abutan pa sa huling 10-metro ang tinuka sa meta na Kanlaon.
Naorasan ang nagwaging kabayo ng 1:38.2 sa kuwartos na 24’, 23, 24 at 27 sa 1,600-metro distansya para maibulsa rin ang P300,000.00 unang gantimpala sa P500,000.00 na itinaya ng Philippine Racing Commission.
Nagkampeon sa isang PCSO Special Maiden Race, outstanding favorite ang Tan Goal sa nailistang P238,306.00 sales mula sa P476,240.00 sa Daily Double at nakabawi ang tambalan matapos ang mahinang panimula.
Ang Kanlaon na sakay ni Jessie Guce, ang unang lumayo bago sumunod ang Wild Talk ni Mark Alvarez at nakabuntot ang Tan Goal.
Nakalamang pa ang Wild Talk sa likuran pero nabawi ng Kanlaon ang bandera papasok sa huling kurbada.
Sa rekta ay nasa balya ang Kanlaon at may isang dipang agwat sa pumapanga-lawa nang Tan Goal na ginamit ang maluwag na labas tungo sa isang ulong panalo.
Ang Wild Talk ang pumangatlo habang ang River Mist ang kumuha sa ikaapat na puwesto. Ang High Grader at Diamond’s Gold ang kumumpleto sa datingan ng anim na naglaban.
May pakonsuwelong P112,500.00, P62,500.00 at P25,000.00 premyo ang nakuha ng mga kabayong pumangalawa hanggang pumang-apat sa datingan.
Noong Sabado ay kuminang din ang takbo ng Bahay Toro sa hanay ng mga three-year old fillies.
Ito na ang huling karera ng Philracom para sa mga local fillies at colts bago isagawa ang itinutulak na tampok na karera para sa mga ganitong edad na mga kabayo na 2014 Triple Crown na bubuksan sa Mayo sa nasabing race track.
Kasama rin sa nagpasikat sa huling araw ng pista sa nagdaang linggo ay ang Stellar Ace ni apprentice rider SD Carmona.
Lumutang ang husay ng kabayo sa idinaos na Philracom Benefit Race/Mowelfund Race Fest sa 1,400-metro karera nang manaig sa Holy Nitro.
Nasungkit ng connections ng Stellar Ace ang P180,000.00 na inilaan ng Philracom para lamang sa nanalong kabayo. (AT)