MANILA, Philippines - Wala nang gaganda pa sa pagtatapos ng isang championship series kungdi ang makita ang dalawang koponan na magpatayan para sa titulo sa isang laro.
Sa ganap na ika-4 ng hapon ngayon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City ay magkukrus ang landas sa hu-ling pagkakataon ngayong season ng magkaribal na La Salle at Ateneo para sa titulo ng Season 76 UAAP women’s volleyball.
Ang aksyong ito ang siyang tatapos din sa 2013-14 UAAP season na kung saan ay hawak na ng La Salle ang overall championship sa ikalawang sunod na taon.
Pero hindi magpapabaya at totodo ng paglalaro ang Lady Archers dahil nakaumang sa paaralan ang kanilang kauna-unahang ‘four-peat’ sa liga.
Naunsiyami ang three-time defending champion La Salle na maibulsa ang kampeonato noong Miyerkules nang maitakas ng Ateneo ang 25-21, 25-23, 18-25, 16-25, 17-15 panalo para magtabla ang da-lawang koponan sa 2-2.
“Hindi pa naman tapos ang laro dahil may isa pa. Dito na talaga malalaman,†pahayag ni Lady Archers coach Ramil de Jesus.
Ito ang unang pagkakataon na mapapalaban sa do-or-die game ang Lady Archers kaya’t ang championship experience ng mga kamador na sina Abigail Maraño, Victonara Galang, Kim Fajardo at Mika Reyes ang sinasandalan ni De Jesus upang huwag masayang ang malakas na kampanya na kinakitaan ng pagwalis ng koponan sa double round elimination tungo sa paghawak ng thrice-to-beat advantage.
Sa kabilang banda, ito ang ikalimang sudden-death na haharapin ng Lady Eagles matapos kalusin ang Adamson at ang may twice-to-beat advantage na National University sa step-ladder semifinals.
Si Alyssa Valdez ang pambato ng Lady Eagles pero makakatulong ng malaki ang ipakikitang laro nina Michelle Ka-thereen Morente, Amy Ahomiro, Jorella de Jesus at libero Dennise Michelle Lazaro para maibulsa ang kauna-unahang titulo sa women’s volleyball matapos ang dalawang sunod na pangalawang puwes-tong pagtatapos. (AT)