Howard, Harden sinapawan si LeBron

HOUSTON - Humakot si center Dwight Howard ng 22 points at 16 rebounds, habang nagdagdag si James Harden ng 21 points at nilimitahan ng Houston Rockets si LeBron James para sa kanilang 106-103 panalo kontra sa Miami Heat.

Nagkaroon si James ng pagkakataong maitabla ang Heat ngunit nagmintis ang kanyang three-pointer sa pagtunog ng final buzzer.

Tumapos ang four-time MVP na may 22 points, isang gabi matapos itala ang club record mula sa kanyang career-high na 61 points laban sa Charlotte.

Inamin ni James na napagod siya at wala sa kon-disyon nang labanan ang Rockets.

Kumayod si James ng 19 points sa halftime, ngunit tila matamlay sa second half at inubos ang kanyang unang mga minuto sa fourth quarter sa bench.

“I fought through it in the first half. Second half it just wasn’t there for me,” sabi ni James. “Got out of rhythm.”

Nakalapit ang Heat sa three-point deficit mula sa tres ni Michael Beasley sa huling 21.2 segundo.

Tumipa si Dwyane Wade ng 24 points para sa Miami matapos magpahinga noong Lunes, habang gumawa din si Beasley ng 24 markers.

Sa Indianapolis, nagsalpak si Klay Thompson ng isang 12-foot turnaround jumper sa natitirang 0.6 segundo para itakas ang Golden State Warriors sa Indiana, 98-96.

“We’ll take any win we can get in this building,” sabi ni Thompson. “This team is real good here. They’re the best in the NBA (at home). To come here and get a win, it’s huge, especially on this road trip.”

Umiskor si Thompson ng 16 sa kanyang kabuuang 25 points sa huling 12 minuto para pamunuan ang Warriors kontra sa Pacers.

 

Show comments