Spectacular Ridge nakatikim ng panalo

MANILA, Philippines - Natikim din ng panalo ang Spectacular Ridge sa buwan ng Pebrero nang kuminang ito noong Huwebes ng gabi sa MetroTurf sa Malvar, Batangas.

Hindi naapektuhan ang kabayong dinisartehan ni Pat Dilema ng pagkakapataw ng pinakamabigat na handicap weight na 58 kilos nang kakitaan ng malakas na pagtatapos sa 1,400-metro class division 1B race.

Namuro na manalo ang Spectacular Ridge matapos ang dalawang pangalawang puwestong pagtatapos noong Pebrero 11 at 22.

Inilagay muna ni Dilema ang kabayo sa ikatlong puwesto sa alisan kasunod ng Empire Princess at My Queen pero sa likod ay gumana ang Spectacular Ridge para dikitan ang nangungunang My Queen. Sa rekta ay umabante na  ang nanalong kabayo at hindi na nakahabol ang  Time To Change na rumemate mula sa panlimang puwesto.

Napaboran ang Spectacular Ridge para makapagpamahagi ng P8.00 habang ang dehadong Time To Change ang nagpalawig sa P36.50 dibidendo sa forecast na 6-2.

Mga liyamadong kabayo ang namayagpag sa una sa dalawang gabi ng pakarera sa ikatlong racing track sa bansa.

Ang Kanlaon ang siyang lumabas bilang pinakaliyamadong nanalo sa walong karerang pinaglabanan nang dominahin ang 3YO Maiden race sa 1,200m.

Tinantiya-tantiya lamang ng Kanlaon na hawk ni Jessie Guce ang lakas ng nakasabayan  mula sa alisan na Rhapsody Blues ni EP Nahilat bago humataw sa huling 100-metro tungo sa halos limang panalo.

Pinawi ng panalong ito ng Kanlaon ang kabiguan sa isinagawang PCSO Special Maiden Race  sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite na dinomina ng Tan Goal.

Hindi naman nakapagbigay ng laban ang Yes I Can dahil nahulog ang hineteng si AR Villegas sa pagbukas ng aparato.

Naibulsa ng connections ng Kanlaon ang P10,000.00 premyo na ibinigay sa nanalong kabayo ng Philippine Racing Commission (Philracom) habang balik-taya ang dibidendo sa win (P5.00).

Ang 2-1 forecast naman ay nagkahalaga ng P30.50.

Lumabas ang Handsome Prince bilang kabayo na nakapagbigay ng pinakama-laking dibidendo sa win na P11.50.

Sa race one na isang 3YO Special Handicap Race sa 1,000-metro isinagawa ang karera at ang kabayong diniskartehan ni Pat Dilema ay nagbanderang-tapos sa karera.

Hindi nakaporma ang nanalo sa 1st leg Philracom Local 3YO Filly na Bahay Toro (JB Guce) na nalagay sa pangalawang puwesto sa kabuuan ng labanan. (AT)

 

Show comments