Tanggap ng Azkals ang bagong coach

MANILA, Philippines - Walang naging problema sa Azkals ang bagong head coach na si Thomas Dooley, pumalit sa puwesto ni Hans Michael Weiss na hindi na ini-renew ang kontrata.

Ang mga bagong idea sa paglalaro ang kinasa-sabikan ng mga Azkals na magtatangkang pangunahan ang 2014 AFC Challenge Cup sa Maldives sa Mayo 19 hanggang 30.

Mataas ang ekspektasyon sa Azkals sa torneo dahil nanalo sila ng bronze medal noong 2012 edisyon sa Nepal sa pagmamando ni Weiss.

“I’m excited. Coach understands what we need with the team. We all need to work together and tactically we need to be prepared. He knows what he wants and we’re very excited to put his plan into action,” pahayag ni Phil Younghusband.

Nasabi na ni Dooley na nais niyang maging simple lamang ang laro ng koponan para maging epektibo. Hanap din niya ang isang offensive team na siya umanong kailangan sa international competition.

Ang bagong diskarte na ipinaiiral ni Dooley, isang German na ginawang US citizen at nakapaglaro sa US team sa World Cup, ay masusukat sa pagsabak ng Azkals sa mga International Friendlies.

Lalaban ngayon ang Azkals kontra sa Malaysia habang sa Marso 5 ay makakasukatan nila ang Azerbaijan.

Ang dalawang laro na ito ay una sa preparasyon ng nationals para sa Challenge Cup na kung saan ang Pilipinas ay nasa Group B. (AT)

Show comments