MANILA, Philippines - Napanatili ng Will Coskee ang malakas na pani-mula hanggang natapos ang labanan para pagharian ang sinalihang karera noong Huwebes sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Si AB Serios ang siyang dumiskarte pa rin sa dehadong kabayo na nalagay sa ika-10 puwesto noong Pebrero 5 sa nasabing race track pero sa pagkakataong ito ay kondisyon ang Will Coskee para manalo sa three-horse race na dumating sa meta.
Sinabayan ng naturang kabayo ang malakas na ayre ng naunang nagdomina na Rockhen ni JB Bacaycay bago umabante ng isang ulo sa rekta.
Mainit na rin ang Yes Miss na kasabayan na ng dalawang nangungunang kabayo para maging mahigpitan ang labanan sa 1,300-metro karera sa Handicap Race three.
Ngunit may lakas pa ang Will Coskee na unang nailusot ang ulo sa pumangalawang Yes Miss sa pagdadala ni MV Pilapil bago tumawid ang Rockhen na kapos ng kalahating dipa sa pumangalawang kabayo.
Pinasaya ng panalo ng Will Coskee ang mga dehadista matapos magpasok ng P82.00 ang win habang ang 4-13 forecast ay mayroong P275.50 dibidendo.
Ang Richard na sakay ni JV Ponce at napaboran sa 13 nagtagisan dahil sa magkasunod na panalo sa buwan ng Pebrero ay nalagay lamang sa ikaapat na puwesto.
Tinapos ng Golden Rule ang kawalan ng panalo sa taon habang nakatikim din uli ng panalo sa taon ang Blue Phoenix na parehong ginabayan ni jockey Val Dilema at parehong inilagay bilang paborito sa nilahukang karera.
Dominado ng Golden Rule ang 1,200m karera pero sa huling 100-metro ito tumodo para manaig ng halos isa't-kalahating dipa sa pumangalawang Silver Champ.
Nakuha ni Dilema ang ikalawang panalo sa gabi sa kabayong Blue Phoenix na dinaig ang hamon ng Sugar Daddy.
Tinapos ng Golden Rule ang dalawang sunod na segundo puwestong pagtatapos at siyang lumabas bilang pinakaliyamadong kabayo na nanalo sa gabing ito matapos ang balik-tayang dibidendo sa win na P5.00 habang may P5.50 pa ang naipamahagi sa panalo ng Blue Phoenix. (AT)