PCSO Special Maiden Race: Tan Goal nakatikim ng panalo sa 2014
MANILA, Philippines - Kuminang agad ang Tan Goal sa unang opisyal na takbo sa taon nang pagharian ang PCSO Special Maiden Race na ginawa kamakailan sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Si Antonio Alcasid Jr. ang gumabay sa naturang kabayo na umarangkada papasok sa far turn bago iniwan ang mga katunggali sa pangunguna ng Kanlaon na natalo ng halos limang dipa.
Ang tagumpay ay nagkakahalaga ng P600,000.00 sa P1 milyong premyo na inilaan sa nagtaguyod ng karera na Philippine Charity Sweepstakes Office.
May pakonsuwelo na P225,000.00 ang naiuwi ng Kanlaon na hawak ni Jessie Guce habang ang Wild Talk ni JL Paano ang pumangatlo para sa P125,000.00 gantimpala.
Ito ang unang Special Maiden race na itinakbo sa taon at may mga kasunod ito sa mga susunod na buwan.
Samantala, nakapanorpresa ang kabayong Pilyo sa pagtatapos ng dalawang araw na pista sa racing club na pag-aari ng Philippine Racing Club Inc. (PRCI) noong Linggo.
Bagama’t galing sa panalo sa huling takbo noong Pebrero 4, hindi napaboran ang Pilyo sa pagdadala ni JE Apellido dahil sa bigat ng mga kasali sa pangunguna ng Hot Gossip na siyang paborito sa walong naglaban at dinala ni JB Cordova.
Hindi naapektuhan ang Pilyo sa pagkakalapag sa malayong ikalimang puwesto sa alisan na kinakitaan din ng maag ang pag-alagwa ng Temptress at Ideal View.
Pero unti-unti ang pagbangon ng nanalong kabayo at nakita ang pagitan sa Ideal View at Temptress upang makuha ang liderato sa huling 100-metro ng 1,300-metro karera para makuha ang di inaasahang tagumpay.
Ang Hot Gossip na nalagay sa pang-apat sa alisan ay hindi tumimbang sa karera. Nagpista ang mga dehadista dahil umabot sa P229.50 ang ibinigay sa win habang ang 5-3 forecast ay mayroong P894.00 dibidendo.
Naunang nagpasikat ang Conqueror na dala ni JB Bacaycay matapos ang banderang-tapos na panalo sa class division 1 sa 1,100-metro distan-syang karera.
Pumangalawa ang Inner Class at ang pagdating ng mga di paboritong kabayo ay nagpasok ng P2,577.50 sa 7-5 forecast. Ang win ay may P77.50 na ibinigay.
Dahil sa panalong ito ng Pilyo at Conqueror, nagkaroon ng carry-over sa 1st Winner-Take-All na P1,558,795.92 na idaragdag sa pagbalik ng pista sa nasabing racing club.
- Latest