NEW ORLEANS -- Itinuon ni Adam Silver ang kanyang atensyon sa panonood ng laro, ngunit sinabing may gagawin siyang pagbabago sa una niyang press conference bilang NBA commissioner.
Mula sa draft hanggang sa uniforms, tinalakay ni Silver ang ilang bagay sa kanyang talumpati na tumagal ng 40 minuto.
Pinalitan niya si David Stern noong Pebrero 1 kasabay ng pagbasura sa dating format ni Stern.
Gusto ni Silver na itaas ang age limit subalit hindi sigurado kung papalitan ang lottery, samantalang hindi naman niya prayoridad ang pagtanggap ng mga bagong miyembro.
Maaari niyang ikunsidera ang pagpapalawig sa All-Star break.
“This is a fabulous league that has its best years still ahead of it,’’ wika ni Silver.
Sa draft, sinabi ni Silver na kahit saan siya magpunta ay “people dislike so-called one and done,’’ na tungkol sa mga players na nag-aaral sa kolehiyo ng isang taon para lamang makapasa sa age minimum ng NBA na 19-anyos.
Balak niyang itulak ang age minimum sa 20-anyos.
“It is my belief that if players have an opportunity to mature as players and as people, for a longer amount of time before they come into the league, it will lead to a better league,’’ ani Silver. “And I know from a competitive standpoint that’s something as I travel the league I increasingly hear from our coaches, especially, who feel that many of even the top players in the league could use more time to develop even as leaders as part of college programs.’’