MANILA, Philippines - Nagkaroon man ng mga problema sa horse racing industry noong 2013 ay hindi naman naapektuhan ang kabuuang kita nito.
Lumabas sa ulat ng Philippine Racing Commission (Philracom) na tumaas pa ang benta ng horse racing industry noong 2013 kung ibabase sa kinita noong 2012, patunay na bumalik na ang sigla sa horse racing.
Pumalo sa P7,780,482,078.00 ang total gross sales noong nakaraang taon at mas mataas ito ng 3.01 percent o P227,111,026.00 kumpara sa sales dalawang taon na ang nakalipas na nasa P7,553,371,052.00.
Ang 2013 ay kinakitaan ng pagbubukas ng ikatlong racing club pero ang pinakamalaking balita ay ang pag-aaklas ng tatlong malalaking horse owners groups na MARHO, PHILTOBO at Klub Don Juan laban sa Philracom na pinamumunuan ni chairman Angel Castano Jr.
Hindi naman napatalsik si Castano at nagbalik sa pagdedeklara ang mga nag-aklas na horse owners matapos ang mahigit isang linggo na ‘racing holiday.’
Nangyari ito noong Hunyo at ramdam naman ito ng industriya dahil bumaba ng P40,816,786.00 ang kita ng buwang ito kumpara sa nasabing buwan ng 2012.
Dalawang beses lamang na bumaba ang kita ng isang buwan noong nakaraang taon kumpara sa 2012 at ang una ay nangyari noong Pebrero nang bumaba ng P13,761,656.00 ang gross sales.
Napawi naman ito dahil ang 10 ibang buwan ay di hamak na mas mataas at ang pinakaproduktibong buwan ay noong Disyembre nang umabot sa 13.66 percent ang itinaas nito.
Umabot sa P636,698,655.00 ang kita ng tatlong racing clubs sa buwan na ito at P93,039,759.00 na mas malaki ito kumpara sa P614,742,209.00 na nairehistro noong 2012.
Kredito ng Philracom ang magandang kinalabasan noong nakaraang taon sa pagbabalik ng pagtitiwala ng mga mananaya, lalo na ang mga maliliit, sa mga reporma na kanilang ginawa upang masugpo ang mga tiwaling gawain ng ilang tao sa industriya. (AT)