2014 Winter Olympics Martinez may panahon para magpakondisyon

MANILA, Philippines - Ang mahabang panahon na pahinga bago ang aktuwal na kompetisyon ay inaasahang makakatulong para maikondisyon ni Michael Christian Martinez ang sarili para sa figure skating event sa 2014 Winter Olympics sa Iceberg Skating Palace sa Sochi, Russia.

Nasa Sochi na si Martinez pero ang kanyang event ay gagawin sa Pebrero 13 at 14 pa.

Ang 17-anyos at tubong Muntinlupa City na si Martinez ang nag-iisang lahok ng Pilipinas sa kompetisyon at pagsisikapan niya na bigyan ng karangalan ang bansa laban sa 30 iba pang skaters mula sa 20 bansa.

Nasali si Martinez matapos malagay sa ika-pitong puwesto sa 2013 Nebelhorn Trophy at bago ang Winter Olympics ay nanalo sa 2014 Skate Helena.

May karanasan man ay iba pa rin ang level ng kompetis-yon sa Sochi dahil ang mga tanyag na figure skaters sa mundo ang siyang makakaharap ni Martinez.

Mangunguna na rito ang three-time World champion na si Patrick  Chan ng Canada bukod pa kay 2010 World Junior champion at 2012 World bronze medalist 19-anyos Yuzuru Hanyu ng Japan.

Ang 23-anyos na si Chan ang siyang record holder sa free program (196.75) at total scores (295.27) habang si Hanyu ang may tangan sa short program sa 99.84 puntos.

Sa Pebrero 13 isasagawa ang tagisan sa short program habang kinabukasan gagawin ang free skate.

Si Martinez ang lalabas na ikaapat  na atleta pa lamang ng Pilipinas na sumali sa Winter Games.

 

Show comments