150-200 atleta ang ipadadala sa Incheon Asian Games

MANILA, Philippines - Nasa tamang landas ang hangarin ng Asian Games Task Force na magpadala ng maliit pero palabang delegasyon sa Incheon, Korea.

Nagsimula ang screening sa mga kasaling National Sports Associations (NSAs) mula noong Lunes at base sa unang assessment ng Task Force ay maglalaro ang bilang ng atleta mula 150 hanggang 200.

“Base on the initial screening and on the recommendations of the NSAs, the number of delegation will be from 150 to 200 athletes. So far three team sports ang sigurado na, basketball, softball and rugby,” wika ni Task Force member Paul Ycasas.

Ang cluster meetings ay hinahawakan nina POC chairman Tom Carrasco Jr., tennis secretary-general Romy Magat at SBP treasu-rer Dr. Jay Adalem at isa-isa nilang sinusuri ang mga impormasyon ng mga manlalarong ipinapasok ng mga NSAs laban sa performances ng mga makakalaban sa Asian Games na gagawin mula Setyembre 19 hanggang Oktubre 4.

“Madali naman ang process dahil may hawak na kaming datas at ikino-compare namin sa mga dala ng mga NSAs. Matapos ang cluster meetings ay haharap kami ay PSC chairman at Chief of Mission Ricardo Garcia para ipakita lahat ng ito,” wika ni Carrasco.

Si Garcia ay lumipad patungong Sochi, Russia para maging kinatawan ng Pangulong Benigno Aquino III sa Winter Olympics. Siya ay babalik ng bansa sa Lunes.

Sa naunang screening ay lumabas na tinatayang 151 ang bilang ng atleta na puwedeng masama base sa nais ng mga NSAs.

Ang mga sigurado na ay ang basketball, softball at rugby na may 15, 18 at 7 inisyal na players habang ang iba pang NSAs na nakausad na at ang bilang ng ipinapasok ay athletics (5), boxing (8), bowling (12), cycling (2), golf (7), judo (6), karatedo (12) lawn tennis (8), rowing (5) swimming (5), soft tennis (8), triathlon (4), taekwondo (12), wrestling (5), weightlifting (2) at wushu (10).

Ang iba pang kakausapin ng TF ay ang equestrian, badminton, fencing, gymnastics, canoe-kayak, squash, sepak takraw volleyball at baseball ngunit hindi nakikitang malaking bilang ang maisasama sa mga sports na ito.

Ang mga atletang hindi makakapasa sa Task Force ay puwede pang maihabol sa talaan sakaling maabot ang mga marking na  hanap sa mga lalahukang Asian o World tournaments. (AT)

 

Show comments