MANILA, Philippines - Naipasok ni Eman Monfort ang mahalagang three-points shot para manumbalik ang kumpiyansa ng Barangay Ginebra na nanaig sa San Mig Coffee, 85-82, sa Game Four ng PLDT-myDSL PBA Philippine Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Nakitang naglaho parang bula ang naipundar na 16 puntos sa ikatlong yugto (70-54) dahil hindi nakaiskor sa unang limang minuto ng huling yugto, naipasok ni Monfort ang pabandang tres para tapyasan sa isa ang kalamangan na ng Mixers, 75-76.
Nasundan ito ng 3-point play ni Mac Baracael upang mabawi ng Gin Kings ang kalama-ngan habang ang follow-up ni Japeth Aguilar sa mintis ni LA Tenorio at split ng Gin Kings guard ang nag-akyat sa kalamangan sa apat, 83-79.
Pinakaba ng Mixers ang mga panatiko ng Ginebra nang maipasok ni Joe DeVance ang tres para dumikit sa isa, 83-82.
Ngunit naipasok ni Tenorio ang dalawang free throws bago sumablay ang tangkang panablang tres ni James Yap.
Si Baracael ay gumawa ng 20 puntos, kasama ang four-of-five shooting sa tres, para makabawi matapos mapatalsik sa Game Three bunga ng dalawang technical fouls.
Ang panalo ay nagpanatili sa di paglasap ng tropa ni coach Renato Agustin ng magkasunod na kabiguan sa liga ngunit ang mas mahalaga ay itinabla uli ng Gin Kings ang serye sa 2-2. (AT)
GINEBRA 85 - Baracael 20, Tenorio 16, Slaughter 11, Ellis 9, Aguilar 7, Caguioa 7, Helterbrand 5, Monfort 5, Reyes 3, Mamaril 2.
SAN MIG SUPER COFFEE 82 - Yap 20, Devance 13, Barroca 10, Melton 9, Pingris 7, Sangalang 7, Mallari 6, Simon 5, Reavis 5, De Ocampo 0.
Quarterscores: 21-20, 46-43, 70-56, 85-82