Road Warriors ang numero uno

MANILA, Philippines - Anim na manlalaro ng NLEX ang tumipak ng doble-pigura upang gutay-gutayin ang Zambales M-Builders, 125-61 at kunin pa ang number one spot sa pagtatapos ng PBA D-League Aspirants’ Cup elimination round kahapon sa The Arena sa San Juan City.

May 18 puntos si Borgie Hermida para sa Road Warriors na humataw sa second period para sa 29-5 palitan upang ibaon ang M-Builders sa halftime, 54-22.

Ang panalo ay nasabayan pa ng kabiguan ng naunang nagsosolo sa itaas na Big Chill sa Hog’s Breath Café, 84-68, sa unang laro.

Nagkatabla ang Road Warriors at Superchargers sa 11-2 karta pero nanalo ang tropa ni coach Boyet Fernandez sa bataan ni coach Robert Sison, 97-88, para kunin ang unang puwesto. Ang dalawang koponan ay nasa semifinals na at hihintayin ang mananalo sa crossover quarterfinals.

Tinapos ng Razorbacks ang 13-laro sa elimination round tangan ang 10-3 baraha at may momentum sila sa pagharap sa Caga-yan Valley sa Martes.

Ang Jumbo Plastic na may 10-3 pero nalagay sa ikatlong puwesto dahil sa winner-over-the-other rule, ang kalaro ng Blackwater Sports at tulad ng Hog’s Breath ay may bitbit na mahalagang twice-to-bet advantage sa tagisan.

Show comments