LOS ANGELES -- Inaasahang ‘di makakalaro si Kobe Bryant sa NBA All-Star game dahil sa patuloy na pananakit at pamamaga sa kanyang kaliwang tuhod na na-injury.
Nagbigay ang Los Angeles Lakers ng update sa injury ng kanilang superstar guard nitong Martes ng gabi at sinabi nilang matetengga pa ng hindi bababa sa tatlong linggo matapos siyang eksaminin uli.
Ibinoto si Bryant bilang starter sa All-Star game na gaganapin sa New Orleans sa Feb. 16 na tatlong linggo na lamang ang layo mula ngayon.
Nauna nang sinabi ni Bryant na huwag na sana siyang iboto ng mga fans ngunit napili pa rin ang fourth-leading scorer sa NBA history ng mga fans sa ika-16 sunod na pagkakataon.
Ineksamin ni Lakers team physician Steve Lombardo si Bryant nang bumalik ito mula sa two-week road trip ng Lakers.
Nabalian ng buto si Bryant sa tuhod noong Dec. 17, anim na game pa lamang siyang naglalaro mula sa walong buwang pagkawala sanhi ng napunit na left Achilles tendon.
Una nang sinabi ng Lakers na inaasahan nilang 6-weeks mawawala si Bryant dahil sa kanyang injury sa tuhod ngunit mas matagal pang mawawala ito.
Ipapagpatuloy ni Bryant ang kanyang program sa light exercise, kabilang ang pag-i-stationary bike. Nagsabi na siyang nahihirapan siya sa kanyang rehabilitation at nababagalan din siya.