MANILA, Philippines - Kinagat uli ng National University Lady Bulldogs ang Ateneo Lady Eagles, 25-17, 25-17, 23-25, 25-19, para isubi ang ikasiyam na sunod na panalo sa 76th UAAP women’s volleyball kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Hindi man nakumpleto ang hanap na straight sets panalo nang makasingit ang Lady Eagles sa third set, kontrolado naman ng Lady Bulldogs ang kabuuan ng laro para manatiling nakadikit sa walang talong La Salle sa 9-1 karta.
Si Myla Pablo ay mayroong 14 hits, kasama ang tatlong blocks, bukod sa tatlong digs habang si Ivy Perez ay mayroong 13 puntos, na sinangkapan ng limang aces. Si Mina Aganon ay kumuha pa ng 13 puntos at ang NU ay lumapit sa isang laro para mahawakan ang playoff para sa twice-to-beat advantage sa Final Four.
Bumaba ang Ateneo sa 6-4 karta sa paglasap ng ikalawang pagkatalo sa hu-ling tatlong laro at nasayang ang 16 hits ni Alyssa Valdez.
Nanatiling buhay ang laban ng UST para sa playoff sa Final Four sa 25-23, 25-20, 25-15 panalo sa UP sa unang laro.
Si Pam Lastimosa ay may 18 hits mula sa 12 kills, apat na blocks at dalawang aces habang sina Jem Gutierrez, Carmela Tunay at Ria Meneses ay may 11, 9 at 9 puntos.
Si Tunay ay nagpakawala ng kill para ibigay sa Lady Tigresses ang unang set at ang mahalagang kumpiyansa para sa straight sets panalo.
Pang-apat na panalo sa 10 laro ito ng UST na kailangang walisin ang nalalabing apat na laro para tumikas ang paghahabol ng puwesto sa susunod na round.
Ito ang ika-siyam na kabiguan sa sampung laro ng Lady Maroons at ang UE lamang ang may mas masamang baraha sa liga na 0-9 marka.