Elegant April nagrehistro ng panalo

MANILA, Philippines - Nagpatuloy ang ma­gandang takbo ng Elegant April nang kumubra ng panalo sa mas mataas na gru­po noong Biyernes ng gabi sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Ca­vite.

Si apprentice rider AG Avila ang pinagdiskarte sa kabayo na kumarera kasama ang coupled entry na Dancing Rags at napa­ngatawanan ng tambalan ang pagiging liyamado sa sampung kabayo na nag­laban-laban sa class di­vision 2 race sa distansyang 1,500-metro.

Nakipagsukatan ang Ele­gant April sa April Style ni Dominador Bor­ge Jr. ngunit mas malakas ang dating ng una para biguin ang huli sa tangkang ikalawang sunod na panalo matapos ang tatlong takbo sa taon.

Balik-taya na P5.00 ang ibinigay sa win, habang P11.50 ang ipinasok sa 7-2 forecast.

Nanggulat naman ang Great Delta sa special handicap race sa 1,400m.

Hindi tumimbang ang kabayong dala ni MD De Jesus sa unang takbo no­ong Enero 18 kaya’t hin­di inakala na kaya ng tam­ba­lan na manalo at putu­lin ang dalawang dikit na tagumpay ng paborito sa karera na Tisay.

Kumabig ng P230.50 ang win, habang P54.50 ang ipinasok ng 6-5 forecast.

Samantala, tampok ngayong hapon sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite ang 1st leg ng Philracom Imported/Local Stakes na gagawin sa 1,600m.

 

Show comments