DLSU tangka ang semis sa UAAP volleyball

MANILA, Philippines - Playoff para sa puwesto sa semifinals sa 76th UAAP women’s volleyball ang nakataya sa mainit na La Salle sa pagharap sa Adamson ngayon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Ang larong ito ang tampok na bakbakan at mapapanood ito matapos ang pagkikita ng FEU at UE sa ganap na ika-2 ng hapon.

Hindi pa natatalo ang three-time defending champion Lady Archers sa unang walong laro para lumawig din sa 24-0 ang kanilang winning streak.

Asahan ang inspiradong laro galing kay Abigail Marano na sa gabing ito ay kikilalanin bilang Miss Volleyball sa PSA Annual Awards Night sa Manila Hotel.

Sa kabilang banda, ang Lady Falcons ay magnanais na bawian ang Lady Archers matapos ang straight sets na pagkatalo sa unang pagtutuos.

Dagdag inspirasyon sa Adamson ang pagpapa-lakas ng kampanya para makuha ang mahalagang ikaapat na puwesto na aabante sa Final Four.

Kasalo ngayon ng Lady Falcons ang FEU sa mahalagang puwesto bitbit ang 4-4 baraha.

Ang Lady Tamaraws ay makikipagtuos sa walang panalong UE sa ganap na ika-2 ng hapon at pabor na makuha ang panalo para mamuro sa hanap na solo-fourth place sa standings. (AT)

Show comments