Road Warriors gustong bawian ang Elite
MANILA, Philippines - Dagdag inspirasyon sa NLEX Road Warriors ang mabawian kahit paano ang Blackwater Sports sa kanilang tagisan sa PBA D-League Aspirants’ Cup ngayon sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.
Ang Road Warriors at Elite ang siyang naglaban sa titulo sa Foundation Cup at binigo ng huli ang pakay na ikalimang sunod na titulo sa liga nang matalo sa dalawang dikit na laro.
“They beat us in the finals last conference and this will be a good match-up. We’ll be ready for them,†wika ni NLEX coach Boyet Fernandez.
May 7-1 baraha ang nasabing koponan at sakaling manalo pa sa Elite sa huling laro dakong alas-4 ng hapon, lalapit pa sila sa mithiing malagay sa unang dalawang puwesto na uusad agad sa semifinals.
Gagawin din ng tropa ni coach Leo Isaac ang lahat ng makakaya para maipa-kita na tunay nilang talunan ang multi-titled team para palakasin pa ang paghahabol sa quarterfinals.
May 6-3 baraha ang Elite at ang ikatlong sunod na panalo ay magreresulta upang makasalo nila sa ikalimang puwesto ang Cagayan Valley.
Unang laro sa ganap na ika-12 ng tanghali ay sa pagitan ng Boracay Rum at Wang’s Basketball bago sundan ng Jumbo Plastic at Cebuana Lhuillier dakong alas-2 ng hapon.
Ang Giants ay magbabalak na patatagin ang pag-okupa sa ikatlong puwesto para hawakan ang twice-to-beat advantage sa quarterfinals habang ang Gems ay magtatangka sa ikaapat na sunod na panalo na magpapanatiling buhay sa planong makaiwas sa maagang bakasyon.
No-bearing game naman ang unang tagisan dahil parehong talsik na ang Waves at Couriers.
Bukod sa Boracay Rum at Wang’s Basketball, pa-hinga na rin ang NU-Banco de Oro, Zambales M-Builders, Derulo Accelero at Arellano-Air21 habang ang Hog’s Breath, Cagayan Valley at Café France ay nakikigulo pa sa puwesto sa quarterfinals.
Ang mangungunang anim na koponan matapos ang eliminasyon ay aabante sa susunod na round at ang number three hanggang six teams ay sasailalim sa best-of-three crossover series na kung saan may twice-to-beat advantage ang papangatlo at papang-apat sa puwestuhan. (AT)
- Latest