MANILA, Philippines - Dalawang koponan na palaban sa unang dalawang puwesto at dalawang koponan na naghahangad ng upuan sa quarterfinals ang mag-uunahan sa paghagip ng mahalagang panalo sa PLDT MyDSL PBA Philippine Cup ngayon sa Smart Araneta Coliseum.
Ang Rain or Shine ay babangga sa Meralco sa unang laro sa ganap na ika-5:45 ng hapon bago sumunod ang bakbakan ng Petron at San Mig Coffee dakong alas-8 ng gabi.
Magkasalo ang Elasto Painters at Boosters sa ikalawang puwesto sa 9-3 baraha at sakaling magtagumpay ay didikit sila sa kalahating laro sa nagsosolo sa itaas na Barangay Ginebra.
May magkatulad na 5-7 baraha ang Bolts at Mixers at kung sila ang magwawagi, papasok na sila sa quarterfinals at ang tagisan dito ay sa best-of-three series.
Tinalo na ng bataan ni coach Yeng Guiao ang tropa ni coach Ryan Gregorio sa unang pagkikita, 94-89 at mayroon pa silang ipinagmamalaking five-game winning streak.
Ngunit walang puwang para magkumpiyansa ang koponang pag-aari nina Terry Que at Raymund Yu dahil mataas ang morale ng Meralco na may two-game winning streak sa pagpasok ng taong 2014.
Tila may hatid na su-werte sa koponan ang pagpasok ni Danny Ildefonso dahil umani ang Bolts ng 92-88 overtime panalo sa Air21 at 74-65 tagumpay sa Alaska Aces.
Ibinibigay ni Ildefonso ang hanap na liderato sa kanyang 8 puntos, 6.5 rebounds, 4 assists at tig-isang steal at blocks ave-rages. Dinurog naman ng Boosters ang Mixers sa unang pagtutuos, 91-78, pero tulad ng Meralco, ang tropa ni coach Tim Cone ay hindi pa rin natatalo sa taon matapos kunin ang 83-79 at 67-60 pananaig sa Ginebra at Air21 ayon sa pagkakasunod. (AT)