Lungkot, awa at habag ang aking naramdaman nang mabasa ko ang atake ni Philippine Olympic Committee president Jose ‘Peping’ Cojuangco sa aniya’y mga ‘kritiko’ sa media ng Philippine delegation sa nakaraang SEA Games sa Myanmar.
Bayaran at sadyang tanga na di alam ang sports ang tawag ni Cojuangco sa mga ito.
Ramdam kong labis ang kagustuhang ng POC President na makakuha ng magandang resulta ang PHL Team sa Myanmar, ngunit wala itong pag-asang mangyari at hindi nga nangyari.
Nabaling ang kanyang ngitngit sa aniya’y mga kritiko na nag-report lamang nang nakakalungkot na balitang pinulot sa kangkungan ang Pilipinas sa Myanmar SEAG – ang pinakamababang level na international multi-sports competition na nilalahukan ng bansa.
Mapait na katotohanan na nasadlak tayo napang-pitong sa medal tally – ang pinakamababang pwesto na inabot natin sa history ng SEA Games.
Sinabi niya sa mga atletang Filipino na huwag makinig sa kritisismo ng mga “bayaran at tatanga-tanga.†Ngunit kritisismo nga ba ang mag-ulat ng katotohanang pangyayari?
Nakakalungkot na tatango lang naman lahat ng nakapaligid kay Ginoong Cojuangco. Nakakalungkot na mukhang ito na ang postura ng POC chief hanggang siya’y nakaluklok sa kanyang puwesto.
Nakakalungkot ng puro excuses lamang ang ating maririnig sa tuwing uuwi tayong luhaan galing sa kung saang international competitions.
***
Eto na ang homestretch ng PBA Philippine Cup elimination round at kapana-panabik ang pagtatapos ng labanan para sa Top Two, Top Six at sa kukumpleto ng quarterfinals roster.
Contenders ang Barangay Ginebra (9-2), Petron (8-3), Rain or Shine (8-3) at Talk n Text (7-4) para sa Top Two na susungkit ng twice-to-beat advantage sa quarterfinals.
Kumakarera naman para sa Top Six ang Barako Bull (5-7), Globalport (4-7), Alaska (4-7), Meralco (4-7) at San Mig Coffee (4-7). Maglalaban sa best-of-three series ang tatapos na pangatlo hanggang pang-anim.
Tangan ang kartadang 3-9, ang Air21 ang koponang nakikipaglaban na kay kamatayan. Nadagdagan kahit papaano ang kanilang oxygen tank ng gulatin nila ang Talk ‘N Text, 102-100, noong Miyerkules.