Mayweather may banat na naman kay Pacquiao

MANILA, Philippines - Sadyang hindi papaawat si Floyd Mayweather, Jr. ukol sa kanyang pagtirada kay Manny Pacquiao.

Sa isang panayam ng FightHype.com, sinabi ni Mayweather na gusto lamang maresolbahan ni Pacquiao ang kanyang problema sa pagbabayad ng buwis sa Pilipinas at sa United States kaya gusto siyang labanan ng Filipino world eight-division champion.

“You got tax problems, and now you’re begging to get the fight,” wika ni Mayweather kay Pacquiao. “You could care less if you win, all you want to do is fight Floyd Mayweather to clean up a tax bill basically.”

Kinakaharap pa rin ni Pacquiao ang kanyang tax problem sa Internal Revenue Service (IRS) sa US at sa Bureau of Internal Re-venue (BIR) sa Pilipinas.

“This guy’s got all these problems, and he wants Floyd Mayweather to solve them for him, huh?” sabi ng 36-anyos na si Mayweather sa 35-anyos na si Pacquiao. “He’s got 68 million problems and he wants me to solve them.”

Idinagdag pa ng American world five-division titlist na bago isipin ni Pacquiao kung paano maitatakda ang kanilang laban ay dapat munang tutukan ng Sarangani Congressman ang kanyang problema sa buwis.

“He don’t need to be focused on Floyd Mayweather. He needs to be focused on that tax business,” ani Mayweather.

Hindi pa rin nawawala sa listahan ni Pacquiao (55-5-6, 38 KOs) ang pangalan ni Mayweather (45-0-0, 26 KOs) para sa posible niyang makalaban bago magretiro.

Nanggaling si Pacquiao sa isang unanimous decision win laban kay Brandon ‘Bam Bam’ Rios sa kanilang non-title, welterweight fight noong Nobyembre 24 sa Macau, China.

Ito ay matapos siyang matalo kay World Boxing Organization (WBO) welterweight king Timothy Bradley, Jr. (31-0-0, 12 KOs) via split decision at mapatulog ni Juan Manuel Marquez (55-7-1, 40 KOs) sa sixth round noong 2012.

Kandidato din para makalaban ni Pacquiao sa Abril 12 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada si WBO light welterweight ruler Ruslan Provodnikov (23-2-0, 16 KOs).

May dalawa pang boxer na puwedeng pagpilian si Pacquiao na ayaw ihayag ng kanyang Canadian adviser na si Michael Koncz.  (RC)

Show comments