MANILA, Philippines - Nagpasiklab agad ang mga apprentice jockeys sa pagbubukas ng pista sa 2014 noong Huwebes sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Sina CS Penolio, WC Utalla, RM Ubaldo at JF Paroginog ang mga kuminang agad sa unang araw ng karera sa bagong taon at napasaya rin nila ang bayang-karerista dahil mga nadehadong kabayo ang kanilang naipanalo.
Si Penolio ang hineteng kumuha ng unang panalo sa bagong taon nang magdomina ang Unica Champ sa 12 kabayong naglaban para sa class division 1C sa 1,500-metro karera.
Naghatid ang panalo ng P32.00 sa win habang umabot sa P59.50 ang 6-5 forecast.
Si Utalla ay nanalo sa Leica In Manila, si Ubaldo ay kuminang sa Snake Queen habang si JR Paroginog ay nanaig sa Seni Seviyorum.
Huling naipanalo ni Utalla ang Leica In Manila noon pang Nobyembre 16 at nakita rin ang lakas sa rematehan ng naturang kabayo na nanaig sa mga nakasabayang Oh Minstrel at Good Move.
Banderang-kapos ang napaborang Oh Minstrel nang hindi napangatawanan ang pangunguna sa mga unang yugto ng karera habang ang Good Move ay naubos sa hu-ling 25-metro tungo sa pangalawang puwestong pagtatapos.
May P38.50 pa ang ibi-nigay sa win ng Leica In Manila habang P98.50 ang dibidendo sa 5-4 forecast.
Nahagip ni Ubaldo ang ikalawang sunod na panalo ng Snake Queen matapos dominahin ang Special Class Division race sa 1,300-metro distansya habang ang Seni Seviyorum ay nanalo sa Best Guys na ginabayan ni Ubaldo sa class division 4 race.
Nagpamahagi ang win ng Snake Queen ng P12.00 habang ang 2-4 forecast ay may P17.50 dibidendo.
Nasa P28.50 ang win ng Seni Seviyorum at P65.00 ang 5-1 forecast.