Corteza humataw noong 2013

MANILA, Philippines - Memorable ang taong 2013 kay Lee Van Corteza dahil dito nakita ang kanyang galing kung pag-lalaro ng bilyar ang pag-uusapan.

Si Corteza ang lumabas bilang pinakamahusay sa hanay ng bilyarista ng bansa nang kunin ang ikalawang puwesto sa money list sa mga kalalakihan base sa talaan ng Azbilliards.

May 14 torneo na nilaruan si Corteza at tatlo ang kanyang ipinanalo na China Open, World Cup of Pool at Southern Classic tungo sa paghagip ng  $40,000.00, $30,000.00 at $10,000.00 gantimpala.

Pumangalawa pa siya sa US 9-Ball Open para sa $15,000.00 premyo upang katampukan ang nakuhang $111,525.00 premyo sa nagdaang taon.

Ito na ang pinakama-laking kinita ng tubong Davao City na si Corteza mula 2002 at tinabunan nito ang naitala noong 2010 na nasa $66,842.00 premyo.

Ang kumuha sa unang puwesto sa talaan ay si Shane Van Boening na kumubra ng $153,400.00 sa 40 torneong sinalihan.

Tinalo ni Corteza sa hanay ng mga Pinoy cue-artist si Dennis Orcollo na pumangatlo sa $106,770.00 premyo.

Si Orcollo na nakapareha ni Corteza nang dominahin ang World Cup of Pool at may pitong panalo sa 25 torneong sinalihan at ang konsolasyon niya ay ang pagpapalawig sa tatlong sunod na taon na mahigit sa $100,000.00 ang kabuuang premyo na kanyang hinagip sa pagbi-bilyar.

Sina Francisco Bustamante at Carlo Biado ay napasok din sa top ten sa talaan at si Bustamante ang pumang-anim tangan ang $75,818.00 at si Biado ay nagkamal ng $49,350.00 gantimpala tungo sa ika-sampung puwesto.

Show comments