MANILA, Philippines - Ito ang larong inaasahang dodominahin ng Tropang Texters ngunit binigyan sila ng magandang laban ng Express sa fourth quarter pero kumulapso sa dulo.
Tinalo ng three-time defending champions na Talk ‘N Text ang Air21 sa bisa ng 87-82 panalo para solohin ang ikatlong posis-yon sa 2013-2014 PBA Philippine Cup kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nagtayo ang Talk ‘N Text ng 12-point lead, 55-43 sa third period hanggang makalapit ang Air21, nalasap ang kanilang pangatlong sunod na kamalasan, sa 67-76 agwat may 6:42 minuto sa fourth quarter.
Ang three-point shot ni Larry Fonacier ang muling naglayo sa Tropang Texters sa 80-67 sa huling dalawang minuto ng laro.
“It’s important for us because the top teams are pulling away, and if you don’t continue to win you’ll not be able to catch up,†ani Talk ‘N Text head coach Norman Black sa Petron Blaze at Barangay Ginebra.
Binanderahan ni Jayson Castro ang Tropang Texters sa kanyang 21 markers kasunod ang 18 ni Ranidel De Ocampo, 15 ni Jay Reyes at 13 ni Larry Fonacier.
Umiskor naman si Asi Taulava ng game-high na 23 points para sa Express, habang nag-ambag ng tig-13 sina Joseph Yeo at Niño ‘KG’ Canaleta.
Sa unang laro, nagtala ng 17 points si Denok Miranda at nagdagdag ng tig-14 sina two-time PBA MVP Willie Miller at Mic Pennisi para pangunahan ang Barako Bull sa 99-86 paggupo sa Meralco.
Winakasan ng Energy ang kanilang anim na sunod na kamalasan kasabay ng pagpapalasap sa Bolts ng ikatlong dikit na kabiguan nito.