PHL wrestlers nakontento sa tatlong bronze

NAY PYI TAW -- Nabigong makakuha ng gold ang mga Filipino grapplers matapos makuntento ang tatlo sa kanila sa bronze medal sa men’s freestyle wrestling competition ng 27th Southeast Asian Games kahapon dito sa National Indoor Stadium sa Yangon.

Natalo ang bagitong si Alvin Lobrequito kay Nguyen Hyha ng Vietnam sa kanyang semis match para bumaba sa bronze medal match kung saan tinalo niya si Gabriel Juang Junen ng Singapore sa 55-kg category.

Nanaig naman si Joseph Angana kay Bui Tuan Anh ng Vietnam sa 66-kg class, samantalang nangi-babaw si Jhonny Morte kay Jirawat Iamsamang sa 60-kg class para sa labanan sa tansong medalya.

Nauna nang nabigo sina Margarito Angana at Jason Balabal sa men’s 55-kg at 84-kg Greco Roman, ayon sa pagkakasunod, noong Martes.

Sina Angana at Balabal ang nagdedepensa sa kanilang mga kategorya, ngunit ang kanilang pag-yukod ang nagpabagsak sa tsansa ng bansa na malampasan ang two-gold medal finish noong 2011 SEA Games sa Indonesia.

“We just can’t nail it,” wika ni National coach Roy Camposano. “Minamalas talaga kami. Mabuti na lang at nanalo pa din kahit papaano.”

Sinabi ni Camposano na umaasa siyang maka-kabangon si Balabal na lalaban sa 84-kg category ng men’s freestyle ngayon.

“Susubukan kong manalo,” ani Balabal. “Medyo masakit ang pagkatalo ko sa Greco kaya pipilitin kong makabawi.”

Show comments