1 pang gold sa wushu: Hindi natinag ang Pinas

NAY PYI TAW – Nanatili sa ikaanim na puwesto ang Pilipinas sa overall standings sa kabila ng panalo ni Daniel Parantac sa 27th Southeast Asian Games kahapon dito sa Wunna Theikdi Indoor Stadium A.

Nagkarga ang Team Philippines ng tatlong gold, limang silver at tatlong bronze medals, samantalang patuloy sa pangunguna ang host Myanmar sa kanilang hinakot na 17-6-7 gold, silver-bronze medals.

Binanderahan ni Parantac ang kampanya ng bansa kahapon para sa ikatlong gold medal ng Pinas sa wushu at balewalain ang kabiguan ni wrestler Jason Balabal sa pagdedepensa ng kanyang 84kg crown sa Greco Roman.

“Finally, I got the win,” sabi ng 23-anyos na BS Education graduate na si Parantac.

Ito na ang pinakamatagumpay na kampan-ya ni Parantac sa SEA Games matapos mag-uwi ng silver medal noong 2011 sa Indonesia.

“Leading din po ako noon pero nagkaroon ng knee injury and that cost me in the taijijian then,” kuwento ng tubong Baguio City.

Sina Jessie Aligaga at Dembert Arcita ang nagbigay sa bansa ng unang dalawang gintong medalya matapos maghari sa sanda event ng wushu noong Lunes.

Nag-ambag naman ng bronze medal sina Natasha Enriquez at Kariza Kris Chan sa women’s duilian.

Sa kabuuan, nagbigay ang wushu National team ng 3 gold, 3 silver at 2 bronze medals.

Ang mga kumuha ng silver ay sina Divine Wally at Evita Elise Zamora sa women’s sanda (sanshou) at sina Parantac, John Keithley Chan at Norlene Ardee Catolico sa men’s duilian, habang si Francisco Solis ang nagbulsa ng bronze sa sanda.

“We did our part and it’s now up to the rest of our contingent here to do theirs,” sabi ni wushu fe-deration secretary-general Julian Camacho.

Natalo naman si Balabal, nakatakdang dalhin ang watawat ng bansa bilang flag bearer sa ope-ning ceremonies ngayon, sa isang Cambodian.

Show comments