Sasabak na ang PHL Athletes sa SEA Games
MANILA, Philippines - Bubuksan ni Jessie Aligaga at Divine Wally ang kampanya ng Pilipinas sa Myanmar SEA Games sa pagsalang sa 48-kilogram sa sanshou ng wushu event ngayon sa Wunna Theikdi Indoor Stadium sa Myanmar.
Si Aligaga at Wally ay parehong binibigyan ng magandang tsansa na magkamedalya, kahit ang kauna-unahang mga ginto ng Pilipinas sa kalalakihan at kababaihan sa edisyon dahil sa tinapos sa nakalipas na World Wushu Championships sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Ang 2011 World champion na si Aligaga ay nalagay sa pilak sa Malaysia habang ang baguhang si Wally ay tumapos din taglay ang pilak sa kanyang dibisyon.
Ngunit ang mga nakalaban ng dalawa ay mga atleta ng China na hindi kasali sa SEAG.
“World champion si Jessie at si Divine, kahit baguhan ay matapang at buo ang loob. I think we have a good shot at the medals,†wika ni Wushu Federation Philippines secretary-general Julian Camacho.
Ang draw ay ginawa kahapon at si Evita Elisa Zamora na lalaban sa women’s 52-kilogram division, ay nakatiyak na ng bronze medal dahil pinalad siyang maka-bye sa unang laban.
Sa Linggo siya sasabak sa aksyon at ito ay para sa puwesto sa finals.
Ang iba pang panlaban sa sanshou ay si Francisco Solis (men’s 56kg) habang sina John Keithley Chan, Norlene Ardee Catolico, Daniel Parantac, Kariza Kris Chan at Natasha Enriquez ang mga isasalang sa taolu (form).
Naunang sinabi ni Chief of Mission Jeff Tamayo na sasandal ang kampanya ng Pilipinas sa martial arts dahil malakas ang pambansang manlalaro rito.
“Naka-focus tayo sa martial arts. Dito nanggaling ang mga medalya natin noong 2011 at ang mga ipinadala natin ay mga capable na manalo,†pahayag ni Tamayo.
Bukod sa wushu, ang laro sa basketball, boxing, wrestling, pencak silat, women’s football, sepak takraw, canoe-kayak, equestrian, shooting at cycling ay iba pang sports na bubuksan na bago pa ang opening ceremonies sa Disyembre 11.
- Latest