MANILA, Philippines - Sa tila pagkakabuhay ng kanyang boxing career, magbabalik si Manny Pacquiao sa Las Vegas para sa kanyang susunod na laban na posibleng itakda sa Abril 12 at maaaring kontra kay WBO welterweight champion Timothy Bradley.
Tinapos ni Pacquiao, magdiriwang ng kanyang ika-35 kaarawan sa Dis-yembre 17, ang kanyang 14 sunod na paglaban sa US, 11 dito ay ginawa sa Las Vegas sa paglaban sa Macau kung saan tinalo niya si Brandon Rios noong Linggo para kunin ang WBO International welterweight crown.
Ipinaliwanag ni Top Rank chairman Bob Arum na ang pagdadala ng laban ni Pacquiao sa Macau ay hindi lamang para makaiwas sa malaking pagbabayad ni ‘Pacman’ ng buwis sa US kundi para makaakit ng interest sa Asya, partikular na sa China.
Kung walang magiging problema, dalawang laban ang gagawin ni Pacquiao sa susunod na taon.
Inalis na sa listahan ng mga maaaring harapin ni Pacquiao si WBO lightwelterweight champion Ruslan Provodnikov dahil sa pagrespeto niya kay Pacquiao na naka-sparring niya noong 2012.
Si Provodnikov ay sinanay sa Wild Card ng grupo nina Freddie Roach, Marvin Somodio at Gavin McMillan.
Si Bradley ang top candidate dahil hawak niya ang WBO belt at nasa bakuran ng Top Rank.
Ang problema lamang kay Bradley ay ang kanyang nakakaantok na istilo na siyang nagpapahina ng kanyang ha-laga sa boxing market.
Si Juan Manuel Marquez ay isa pang kandidato ngunit natalo ang Me-xican kay Bradley noong Oktubre.
May napaulat na isang Mexican investment group na gustong itakda ang Pacquiao-Marquez V sa Mexico City.
Ngunit nasa kasunduan ang pagtanggap ni Marquez ng premyong $10 milyon.
Maaaring pinataas nang husto ni Marquez ang kanyang halaga na magiging dahilan ng pagkakaalis niya sa listahan ni Pacquiao.
Sakaling magkasundo sa presyo, wala namang problema kay Roach kung Pacquiao-Marquez V ang susunod na laban ni Pacquiao.