MANILA, Philippines - Matapos ang tagumpay ni Manny Pacquiao laban kay Brandon Rios, limang magigiting na boksingero naman ang buong puwersang magtatayo ng bandera ng Pilipinas kontra sa mga Latino sa magaganap na ‘Pinoy Pride XXIII: Filipinos Kontra Latinos’ nga-yong Sabado alas-6:00 ng gabi sa Araneta Coliseum.
Gamit ang kani-kanilang kamao, buong pusong sasabak ang limang mandirigma sa ring para sa bayan at para sa kani-kanilang dangal at pamilya.
Lalaban para sa WBO World Light-Flyweight Champion na si Donnie ‘Ahas’ Nietes, alay niya sa kanyang mga anak ang mapanatili ang kanyang world championship title kontra kay Sammy ‘Guty’ Gutierrez ng Mexico.
Layunin din ni WBO World minimum weight Champion Merlito ‘Tiger’ Sebillo na madepensahan ang kanyang titulo at huwag mabahiran ang kanyang undefeated record sa boxing. Bukod pa riyan, alay niya rin ang kanyang laban kontra kay Carlos ‘Chocorroncito’ Buitrago ng Nicaragua sa inang yumao noong nakaraang taon.
Gutom naman para sa tagumpay sina Milan ‘El Metodico’ Melindo na makakaharap si Jose Alfredo ‘Torito’ Rodriguez ng Mexico at si AJ ‘Bazooka’ Banal na makakabangga si Lucian Gonzalez ng Puerto Rico dahil pareho nilang gustong mabawi ang cham-pionship belt sa kanilang weight divisions.
Samantala, determinado naman si Jason ‘El Nino’ Pagara na makuha ang kanyang unang world championship sa kanyang napipintong pakikipagbakbakan kay Vladimir Baez ng Dominican Republic.
Para makabili ng tickets at manood ng live ay tumawag o makipag-ugnayan lang sa Ticketnet offices sa numerong 911-5555.
Mapapanood ang special telecast ng ‘Pinoy Pride XXIII: Filipinos Kontra Latinos’ sa Linggo (Dec 1), 10:15 AM, sa ABS-CBN at 8 pm naman sa Studio 23.