CHICAGO – Hindi na makakalaro si Chicago Bulls star Derrick Rose sa buong season.
Inihayag ng team na naging matagumpay ang operasyon ni Rose noong Lunes ng umaga sa Chicago para ayusin ang napunit na medial meniscus sa kanang tuhod.
Nakuha niya ang injury noong Biyernes sa Portland.


Ang 2011 NBA MVP ay hindi nakalaro noong nakaraang season matapos mapunit ang anterior cruciate ligament sa kaliwang tuhod noong 2012 playoff opener ng Chicago kontra sa Philadelphia.
Lumaro siya ng 50 NBA games, 49 sa regular season at isang playoff game nang maghabol ang Bulls sa Eastern Conference finals sa kanyang MVP season.


Nangyari ang kanyang injury sa third quarter kontra sa Trail Blazers nang magkamali siya ng apak habang pumipihit ng direksiyon pabalik sa depensa matapos maagaw ni Nicolas Batum ang isang pasa kay Joakim Noah.
Paika-ika si Rose sa court at hindi maiapak ng maayos ang naapektuhang tuhod.
Matapos umiskor ang Blazers, lumabas siya nang mag-timeout.


Wala namang nakitang contact sa mga replay ngunit hindi na nakabalik sa laro si Rose at nakasaklay nang umalis ng venue.
Sa pagbabalik ni Rose, inaasahang bibigyan ng matinding hamon ng Chicago si LeBron James at ang Miami sa Eastern Conference para maging palaban sa championship na huling nangyari noong Michael Jordan-Scottie Pippen era. Bagkus ay bumalik sila sa dati na paghihirapan ang bawat panalo sa pagkawala ng haligi ng kanilang koponan.
“We, of course, feel very badly for Derrick. He’s in good spirits, about as well as can be expected under the circumstances, and he’s already thinking about his rehab,’’ sabi ni coach Tom Thibodeau.