$24,000 ibibigay ni Gasol sa mga biktima ni ‘Yolanda’

MANILA, Philippines - Nakiisa si Los Angeles Lakers star Pau Gasol sa panawagan para tulu­ngan ang mga nasalanta ng bag­yong ‘Yolanda’ (may international name na Haiyan).

Nangako si Gasol na mag­do-donate ng $1,000 sa bawat puntos na kan­yang magagawa sa ka­nilang laro ng Golden State Warriors.

“Kids in the #Philip­pines need help. Im pledging $1,000 per pt @ Friday’s game. Will u pledge w me? http://bit.ly/1fdjQ4o  @UNICEFU­SA #Haiyan,” sabi ni Gasol sa kanyang Twitter account na @paugasol.

Hinimok din niya ang kan­yang mga fans at fol­­lo­wers sa Twitter na tu­mu­long sa mga biktima ng bagyo na nanalasa sa Visayas Region.

Umiskor si Gasol,  ng 24 points sa 102-95 pana­lo ng Lakers kontra sa Warriors.

At ang katumbas nito ay donasyong nagkakaha­laga ng $24,000.

Ang nasabing salapi ni Gasol ay kanyang ido-do­nate sa US Fund para sa UNICEF.

Nagbigay na rin ang La­kers ng $150,000 para sa mga nasalanta ng bag­yong ‘Yolanda’.

Nauna na ring nagdo­nate ang NBA at NBA Players Association ng $250,000 para sa mga bik­tima ng bagyo, habang $1 milyon ang ibini­gay ng Miami Heat ni Fil-Ame­­rican head coach Erik Spoelstra, ang ina ay tubong San Pab­lo, Laguna.

 

Show comments