One-win away ang San Beda nakauna sa Letran sa Game 1

MANILA, Philippines - Nagpasabog ng 33 puntos ang San Beda sa huling yugto para kunin ang 80-68 dominasyon sa Letran sa Game One ng 89th NCAA men’s basketball finals kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Nag-init sina Baser Amer, John Ludovice at Ola Adeogun sa huling walong minuto ng labanan para lumapit ang Lions sa isang panalo tungo sa paghablot ng ikaapat na sunod na titulo.

Si Amer ay may tatlong tres habang si Ludovice na galing sa bench ay may dalawa para pagningasin ang 28-11 palitan na tumabon sa 52-57 iskor.

Matapos ipahiya sa ikatlong yugto ni Raymond Almazan, ang 6’8” na si Adeogun ay bumawi sa huling yugto nang ibagsak ang pito sa nangungunang 16 puntos. Ang kanyang split na nasundan ng 5-foot jumper ang tuluyang nagbigay sa Lions ng kalamangan, 58-57.

“We came back in the fourth period. We were down by six and credit to our defense. I just told the guys to stay in our system and make stops and score,” wika ni San Beda coach Boyet Fernandez.

Ang Game Two ay gagawin sa Huwebes at kaila-ngan ng Lions na manalo pa upang kunin ang ika-18 titulo sa liga at una para kay Fernandez.

May 11 rebounds pa si Adeogun na napantayan ang ginawa ni 6’7” Almazan na may 16 puntos, 10 rebounds at 3 blocks.

Lahat ng puntos ni Almazan ay nangyari sa second half pero 14 rito ay ibinuhos sa ikatlong yugto para ilayo ang Knights sa 53-47.

Pero nanlamig ang third pick ng Rain Or Shine sa PBA Drafting sa huling yugto para maiwan si Mark Cruz na bumalikat sa bataan ni coach Caloy Garcia.

Si Amer ay may 11 puntos tulad ni Ludovice at ang dalawang guards ay may tig-tatlong tres.

Nauna rito ay nagwagi rin ang San Beda Red Cubs sa CSB-LSGH, 79-68, para lumapit sa isang laro tu-ngo sa paghablot sa juniors title gamit ang 20-0 sweep.

Si Arvin Tolentino ay mayroong 21 puntos para pamunuan ang apat na Red Cubs na may doble-pigura at maisantabi ang 34 puntos ni NCAA  juniors MVP Rashleigh Rivero.

 

Show comments