Babalik ang dating Donaire

MANILA, Philippines - Nangako si dating unified world super bantamweight champion Nonito Donaire, Jr. na ibabalik niya ang dating ‘Filipino Flash’ na nagpamangha sa mga boxing fans.

At ito ay kanyang ipapakita sa kanilang rematch ni Vic ‘The Raging Bull’ Darchinyan sa isang non-title fight sa Nobyembre 10 sa American Bank Center sa Corpus Christi, Texas.

“You guys will see something different,” ani Donaire sa panayam ng BoxingScene.com. “You guys are going to see the power and speed. Hopefully, you guys are going to enjoy it.”

Noong nakaraang taon ay hinirang si Donaire bilang ‘Fighter of the Year’ matapos biguin sina Jeffrey Mathebula, Wilfredo Vasquez, Jr. Toshiaki Nishioka at Jorge Arce.

Ito ay nagwakas noong Abril 13, 2013 nang talunin siya ni Guillermo Rigondeaux ng Cuba sa kanilang unification super bantamweight fight.

Muling magkikita ang 30-anyos na si Donaire (31-2-0, 20 KOs) at ang 37-anyos na si Darchinyan (39-5-1, 28 KOs) sa isang rematch sa Linggo sa Texas matapos noong Hulyo ng 2007.

Pinatumba ni Donaire si Darchinyan sa fifth round para agawin sa Armenian ang bitbit nitong International Boxing Organization (IBO) at International Boxing Federation (IBF) flyweight titles.

“We are training hard We are trying to go back to who I was. A person who is smart, a person who is strong,” wika ni Donaire.

Idinagdag pa ni Donaire na kung mananalo siyang muli kay Darchinyan ay hahamunin niya si World Boxing Organization (WBO) featherweight titlist Orlando Salido.

“He holds a belt and I would like a shot at it but I have to get past Darchinyan first,” ani Donaire kay Salido ng Mexico.

Show comments