MANILA, Philippines - Naipasok ni Ariel Capus ang mahalagang jumper sa huling 23 segundo para ibigay sa Judiciary ang 86-83 panalo sa Philippine National Police at hiranging kampeon ng 1st UNTV Cup na pinaglabanan noong Martes ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Tumapos si Capus taglay ang 13 puntos at ang kanyang fade away jumper ang nagsantabi sa pagkalusaw ng 60-49 kalamangan sa ikatlong yugto at nakitaan pa ng pagtabla ng PNP sa 69-all tungo sa 2-0 sweep sa best-of-three championship series.
Si Don Camaso ay may 29 puntos, 8 rebounds at 4 blocks, si John Hall ay may 10 habang ang mga off-the-bench na sina Kevin Enriquez at Julius Caesar Rabino ay may 13 at 11 pa para sa balanseng pag-atake na ikinatuwa ng mga panatiko sa pa-ngunguna ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno na pinanood ang laban.
Si Breakthrough and Milestones Production International Chairman/CEO Daniel Razon ang nagpresenta kay Chief Justice Sereno ng championship trophy at tseke na nagkakahalaga ng P1 milyon na ibibigay ng Judiciary sa mga biktima ng lindol sa Bohol.
Halagang P500,000.00 ang nakuha ng PNP na kanilang ibibigay sa Masonic Charities for Crippled Children.
Sinandalan naman ng PBA Legends ang pag-iinit ni Gerry Esplana sa 3-point line sa huling minuto ng labanan para itakas ang 75-74 panalo sa pinalakas na Public Servants All Stars sa unang laro.