OKLAHOMA CITY -- Matapos ang anim na buwan na pamamahinga ay halos walang ipinagbago sa kanyang paglalaro si Russell Westbrook.
Nagposte ang All-Star point guard ng 21 points at 7 assists para tulungan ang Oklahoma City Thunder sa 103-96 panalo kontra sa Phoenix Suns sa kabila ng malamyang 2-of-18 shooting sa three-point line.
Si Westbrook ay 11-of-14 mula sa free throw line at nagbigay ng seven assists. Nagtala siya ng apat na free throws sa mga huling maiinit na segundo ng laro para masiguro ang panalo ng Oklahoma City.
Humakot naman si Kevin Durant ng 33 points at 10 rebounds para sa Thunder, tinalo ang Phoenix (2-1) sa ika-11 sunod na pagkakataon.
Huling tinalo ng Phoenix ang Oklahoma City (2-1) noong Disyembre ng 2010.
Hindi nakapaglaro si Westbrook dahil sa pagkakapunit ng lateral meniscus sa kanyang kanang tuhod sa kanilang laro sa nakaraang NBA playoffs.
Dalawang beses siyang sumailalim sa operasyon para sa kanyang injury.
Matapos ang laro ay sinabi niyang kinakalawang pa siya, ngunit masaya naman sa kanyang ipinakita para sa Thunder.
“I just missed some easy ones but that will come,’’ ani Westbrook. “I’m able to do what I want. I could be better but that’s all right. That’s expected. I’m not expected to come back and be bionic man. I’m just going to work my way through it.’’
Umiskor si Eric Bledsoe ng 26 points at naglista ng career-best na 14 assists para sa Suns na binuksan ang season sa pamamagitan ng panalo laban sa Portland at Utah.